Imbak para sa gobyerno

sana…

Posted in Uncategorized with tags , , , , , , , , , on Pebrero 28, 2010 by etchosera

Kahapon, alas 8:00 ng umaga nag iingay na kagad ng telepono ko upang ako’y gisingin. Ang aga pa, wala akong pasok pag Sabado pero kailangan kong bumangon. May kailangan akong gawin. Ito ang araw ng muling pagdalaw namin sa mga kababayan natin na nasa OWWA. Sila ung mga takas nating kababayan. Kaya kahit tamad na tamad pa akong bumangon. Kahit parang naririnig ko pa ang kama ko na sinasabing mahiga ka uli at biglang sumagot ang unan ko na ang sarap matulog. Biglang sumingit nman si kumot na ilang oras ka pa lang natutulog, aalis ka na naman 😦  .  Sa isang tabi naman andun si Suzini (garfield na katabi ko pagtulog), nakatitig siya sa akin at parang sinasabing “yakapin mo naman ako, miss na miss na kita” . Hayz yan ang epekto ng kulang lagi sa tulog kung anu-anong naiisip, kumusta nman kasi ang sa loob ng isang linggo 2 araw ka lang makakatulog ng 11pm da rest ay 1:00am na huhu. Bumangon na ako matapos ang ilang minutong ilusyon sa aking higaan, inayos ko na ito sabay sabing sa Sunday eve babawi ako sa nio. Maaga akong matutulog, makakasama ko kayo ng matagal-tagal. Pero sa ngayon kailangan ko na talagang bumangon. Pagbaba ng bed, nakita ko ang mga kasama ko sa bahay mga natutulog pa sila at may biglang nahagip ang aking mga mata. Ang lagayan ng mga marurumi kong damit. Di pa nman siya puno ng maruruming damit kundi punong-puno na. Di pa ako nakakapag laba, shuhada. Pero nilampasan ko rin siya. Nag tuloy ako sa kusina, nag init ng tubig, nag timpla ng kape. Habang umiinom ng kape nag iisip ako kung tutuloy ba ako sa pupuntahan ko o mag lalaba muna ako? Sa huli nanaig pa rin ang kagustuhan ko na tumuloy sa unang plano. Isa kasi ako sa mag luluto sa mga pagkain na dadalahin pa puntang OWWA (wala silang choice kahit walang lasa mga luto ko hehe) . Naligo na ako pagkatapos magkape dahil 9:00am ang usapan namin na susunduin ako sa bahay. Dahil sa inaantok pa nga kanina na late ako ng 15mins. Sinundo na rin namin ang isa pang makakasama namin at nag diretso na kami sa bahay na palagi naming ginagawang meeting place pag Sabado. Eksaktong 3:00pm natapos ang pag aayos ng mga pagkain at iba pang pwedeng dalahin sa mga kababayan natin na di pwedeng lumabas ng villa sa takot na mahuli sila ng mga pulis o ng mga amo nila.

Pag dating namin dun, muli iba’t ibang emosyon ang sumalubong sa amin. May mga naka ngiti pero hindi tumatagos sa mga mata. May mga tahimik sa isang sulok. May nakita akong mga pamilyar na mukha at mejo may mga bago rin sa kanila. Mula ng Dec. 26 naging routine na sa amin ang magpunta sa OWWA  pero kakaiba kahapon dahil from 160 takas na kababayan ntin naging 87 na lang sila. Thanks GOD. May darating pa raw na 25 tickets para sa kanila so mababawasan pa uli sila this week at sana wag na silang madagdagan ng mga bagong takas.

Hindi ako masyadong nagtatanong sa kanila kung anong mga nangyari sa kanila at bakit sila andun dahil natatakot ako na may masagi akong sugat na pilit nilang ginagamot. Bukod sa ilang nag kukusa na ikwento ang mga sinapit nila, may isang babae na bigla na lang akong niyakap ng mahigpit at umiyak sa aking mga balikat. Noon ko lang siya nakita pero di ako nag dalawang isip na ilayo siya sa akin. Hinayaan ko lang siya na umiyak ng umiyak kahit mabasa ang aking damit at balikat. Nag darasal ako habang magkayakap kami at hinahagud ko ang kanyang likod. Hayz, di ako pwdeng umiyak dahil kailangan niya ng matatag na masasandalan. At oras na nasimulan akong umiyak, wala na siyang maririnig sa akin kundi pag hikbi dahil di ko kayang mga salita pag akoy umiiyak na. Nang maging ok na ang pakiramdam niya, sinabi niya ang dahilan bakit ganun na lang ang iyak niya at bakit siya napapunta dun sa lugar na un. Isa siyang RAPE VICTIM NG KAPATID NG AMO NIYA last Feb. 11, 2010 lang nangyari. Kaya naman sariwang sariwa pa sa kanya ang mapait na karanasan. Ang ipinag tataka niya mahigit isang linggo na siya dun sa pangangalaga ng ating mga kababayan sa OWWA pero di pa rin siya ipinatatawag para sa hearing ng kaso niya. Madami kaming napag usapan at isa na dun na hiwalay siya sa asawa ng 6 na taon at sa loob ng mga taon na un ay wala siyang naging contact (alam niyo na kung ano ung sinsabi ko) pero bakit ganito pa ang nangyari sa kanya? 

Matapos namin mag usap, nilapitan ko naman ang isang mejo ka close ko na dun dahil siya ang palaging tao sa kusina. Siya ang tga bantay sa mga gamit dun. Nanghihingi siya ng prayers dahil di daw niya makalimutan ang mga ginawa sa kanya ng mga ABUSADONG MGA AMO NIYA. Nakita ko ang mga latay, mga pilat sa kanyang mga braso. Ang hahaba at ang lalaki ng mga ito. Tuwing nakikita daw niya ang mga ito ay naaalala niya ang pag mamalupit na dinanas niya sa kamay ng mga malulupit na amo niya. Bukas, may hearing siya sa kaso niya sa mga amo niya. Ayaw kasi ibigay ung passport niya para makauwi na siya. Kaya naman sabi niya PRAYERS daw ng mga kababayan natin ang hinihingi niya/ nila.

Iba’t iba ang kanilang mga sinapit sa kanilang mga WALANG PUSONG AMO. Ang iba naman ay naranasan na di pakainin sa loob ng 2 araw ng mismong mga kababayan natin na nag tatrabaho sa mga agency, na kung saan sila kinukuha ng mga amo nila. Nakakalungkot na sa halip na sila ang magiging takbuhan pag may mga abusadong nangyayari. Ang gagawin mo na lang ay tumakbo palayo sa kanila dahil sila mismo ang mag papahamak sa iyo. Sila mismo ang mananakit sa iyo. Sa kanila pa mismo mararanasan ang pag mamalupit. Puro tubig lang ang naging pantawid gutom ng iba sa kanila.

Pag kalipas ng mahigit 4 oras na pamamalagi namin dun ay nag paalam na kami. Kailangan na naming umuwi. Muli ay hindi matapos tapos na pasasalamat at pamamaalam ang nangyari. Ang huling salita na sinabi ko sa kanila ay “SANA PAG BALIK KO WALA NA KAYO DITO”. Na sana makauwi na silang lahat sa Pilipinas, sa kanilang mga pamilya.

Sa sasakyan pauwi kahit pagod na pagod kaming lahat, hindi matatawaran ang saya na muli naging kapaki-pakinabang na naman ang isang araw namin. Muli kami’y nakatulong. Thanks GOD dahil muli kami ay ginamit niya upang makasama ang ating mga kababayan na takas.

Napapawi lahat ng pagod ko. Ma swerte tayo na hindi dumaranas ng mga katulad ng mga pinag daanan at pinag dadaanan nila. Ma swerte tayo na may maayos na trabaho at kasama ang ating mga pamilya. Kaya wag nating kakalimutan na mag pasalamat sa KANYA.

Let’s pray na sana wala ng maabusong mga kababayan natin o kahit ibang lahi. Sana wala ng mga abusadong amo at kababayan natin na sinasamantala ang sitwasyon na sila ang asa itaas. Sana makauwi na silang lahat ng ligtas. Sana manalo sila sa kanilang mga kaso. Makuha na nila ang kanilang mga passport sa kanilang mga amo. Bigyan sila ng ticket pauwi at ibigay ang kanilang mga gamit na naiwan nila mula sa pagtakas lalo’t higit ang kanilang mga sahod na hindi ibinigay sa kanila sa halip ay bugbog ang kapalit ng maghapong pag tatrabaho.

Sana wala na sila dun sa pag babalik ko sa susunod na Sabado.

Â